Philippine Literary Works: Tanging Pamana by Hilario L. Coronel

Thursday, October 9, 2008

"Karunungan … tanging pamana ng magulang na sasandatahin ng anak sa pagtugpa sa dako pa roon ng buhay."

Kung may mga amang matatala sa kasaysayan dahil sa kahigpitan ng anak, si Tatang ay makakabilang marahil. Hindi naman malupit si Tatang. Sa kanya, basta tama ka’y tama ka, bagamat hindi ka niya pupurihin nang harapan. Ngunit kapag gumawa ka ng kaaliwaswasan ay humanda ka’t madudurog sa iyo ang lanubo ng bayabas.

Hindi mawawalan si Tatang ng lanubo ng bayabas na nakasuksok sa dingding. Lagi ring nakasabit sa isang pako sa dingding ang kanyang lumang sinturon. Bihirang mamalo si Tatang, ngunit pangingilagan mo naman ang kabihiraang iyon.

Kaipala’y dahil sa ako ang bunsong anak na lalaki kung kaya malimit na ako ang kasama ni Tatang kung umaahon siya sa bayan. Madalas ituro sa akin ni Tatang ang paaralang elementarya sa kabayanan.

Diyan ka mag-aaral anak, pagkatapos mo ng apat na grado sa ‘tin, — laging sinasabi ni Tatang.

Ngunit hindi ang sinasabi noon ni Tatang ang laman ng aking isipan. Ang ibig ko’y makahiwalay sa kanya at makasama sa maraming batang nagtakbu-takbo sa daan. Ang nasa gunita ko’y ang holen at buwal-preso na iniwan ko sa amin.

Wala akong hilig sa pag-aaral noon. Nakaiinip sa akin ang pag-upo sa desk sa loob ng iskuwelahan. Inaantok akong lagi sa pakikinig sa pagkukuwento ng aming maestra. Subalit hindi ko masasabi iyon kay Tatang. Tiyak na makakagalitan lamang niya ako.




Minsan ay napalaban ako ng babag sa iskuwelahan. Nang umuwi ako’y punit-punit ang aking damit. Nalaman pala agad iyon ni Tatang. Hindi pa ako nakakapanhik ay nakita ko na sa pinto si Tatang — naghihintay sa akin. Halos mangatog ako sa takot.

Nang mailapag ko ang aking mga libro sa papag ay narinig kong nagsalita si Tatang. Hindi natuloy ang tangka kong pagpanaog. Patag na patag ang boses ni Tatang.

–Dumapa ka!

Wala akong nagawa kundi umunat sa sahig. Ngunit nakataas ang aking ulo. T-tatang.. — parang pagtutul ko.

–Baba’ng ulo!

Pumikit na lamang ako matapos kong idikit ang aking mukha sa sahig.

–Di ba kabilin-bilinan ko’y huwag kang makikipagbabag?

–Opo!–

Di ba kabilin-bilinan ko’y ang pag-aaral ang asikasuhin mo?

Opo!

Uli-uli’y magtatanda ka!

Hindi na ako nakasagot sapagkat lumagapak na sa aking pigi ang sinturon ni Tatang. Kung mamalo si Tatang ay minsan lamang, hindi na inuulit sapagkat talagang hindi na kailangang ulitin. Halos mamilipit ako sa sakit. Subalit hindi man lamang ako nakaingit.

Ayaw na ayaw ni Tatang na kami’y iiyak dahil lamang sa pagkakapalo. Ang pag-iyak daw ay tanda ng kahinaan ng pusong-babae.

Ang ano mang pagkagalit ni Tatang ay madali niyang malilimot. Nang hapong iyong mapalo ako ay sa tabi ko siya nahiga sa pagtulog.

–Mag-aral kang mabuti, anak. Ayokong ang pinagdaanan ko’y manahin pa. Ikaw man lang e maiba sa mga kapatid mo. Ikaw man lang e me marating…

Ngunit hindi ko kayang unawain noon ang sinasabi ni Tatang. Ang nararamdaman ko’y hapdi ng aking pigi. Ang nasa dibdib ko’y ang pagtatampo at marahil ay sama ng loob kay Tatang dahil sa pagkakapalo sa akin.

–’yan lang ang tanging pamanang maiiwan ko sa ‘yo.

Lalong hindi ko nauunawaan ang pangungusap na iyon ni Tatang. Pumikit ako nang mariin, ngunit nanatili akong gising. Nagtulug-tulugan ako, at makaraan ang ilang sandali’y bumangon si Tatang at umalis sa aking tabi.

Kung ano ang higpit ni Tatang ay siya namang luwag ni Inang, bagamat kapag sinabi ni Tatang na ayaw niya ay walang masabi ang aking ina. Lahat kaming magkakapatid ay di makasuway kay Tatang. At kapag nagsasalita siya’y tahimik kaming lahat. Sa munting pagkakamali nami’y "sinasabon" kami at kapag kaaliwaswasan na nga ay lanubo ng bayabas o lumang sinturon ang sasayad sa aming pigi.

Subalit nagagawa rin ni Tatang na maging masaya kami. At matapos siyang "magsermon", ang pangangaral niya’y nauuwi sa pagpapatawa. Ako ang laging nakikita ni Tatang sa gayong pagkakataon.

–Suminga ka nga muna,– sasabihin ni Tatang sa akin, — tila me bara’ng ilong mo.

Hindi ako sasagot; ni hindi matatawa. Kung mangiti man ako’y pilit lamang. Sa loob-loob ko, lagi na lamang ako ang nakakagalitan. Sapagkat sa aming magkakapatid ay madalas na ako ang nakakatikim ng sinturon ni Tatang. At kahit nagpapatawa si Tatang, ang nagugunita ko’y ang matitinding palong tinanggap ko at kaipala’y tatanggapin pa.

Nang nasa haiskul na ako’y hindi na nagagamit sa akin ni Tatang ang lanubo ng bayabas at ang lumang sinturon. Subalit mahigpit pa rin siya, nakikita pa rin nyang lagi ang munting pagkakamali at pagkukulang ko, hindi ko pa rin masunod ang balang maibigan ko.

Isang kamag-aral na tagabayan a ng madalas kong ihatid sa pag-uwi. Yaon ang aking unang pag-ibig. Ngunit sa di ko malamang pangyayari, nabalitaan iyon ni Tatang.

–Huwag mo munang isipin ang pag-aasawa. Madaling humanap ng mapapangasawa…kapag tapos ka’y babae na ang hahabol sa’yo…

–Anong gagawin mo kung magkakaasawa ka?Labingwalong taon ka lang. Gusto mo bang matulad sa ibang kapatid mong nagsipag-asawa agad…na nakatayo pang tanim na palay e wala nang uhay?

Marami pang sinabi si Tatang ngunit ang huling pangungusap niya’y parang idinuldok sa aking mukha.

Batang-bata ka pa…

–Bata pa bang palagay n’yo sa kin?–Napalakas ang aking tinig.

Nabigla si Tatang. Ako ma’y nabigla rin sa pagkakasagot sa kanya. Inaasahan kong hahagilapin ni Tatang ang lumang sinturon o ang lanubo ng bayabas at ako’y bibirahan ng hagupit. Ngunit naglapat lamang ang mga labi ni Tatang. At pagkaraa’y nanaog siya.

Kinabukasan ay wala man lamang binanggit si Tatang ukol sa akin nang nag-aagahan na kami. Hindi ako makatingin kay Tatang.

Tuwing hapon, bago kumalat ang dilim, ay nasa amin na ako. Datapwa, isang araw ay napasama ako sa isang kaklasa sa pag-aaral ng sayaw. Malapit nang magdaos ng sayawan ang aming klase at ibig kong makadalo. Nang umuwi ako’y maghahating gabi na.

Dinatnan kong si Tatang na lamang ang gising sa amin. Nagmano akong kinakabahan. Ngunit hindi niya itinanong kung bakit ako ginabi sa pag-uwi. Hindi ko nakita ang dating anyo niya kung ako’y nakakagawa ng isang bagay na hindi nya naibigan.

–Kumain ka na ba?–Iyon lamang ang itinanong ni Tatang. Binantayan ako ni Tatang habang kumakain. At nang patayin niya ang gasera at mahiga siya ay nang nakahiga na ako.

Hindi ko na kinaringgan ng pangaral si Tatang buhat noon. Kung ginagabi ako sa pag-uwi’y wala siyang sinasabi. Kung nakagagawa ako ng mumunting pagkakamali na dating ikinagagalit niya ay hindi na nagsisiklab.

Nang muli kong marinig ang pangaral ni Tatang ay hindi ako nakagagawa ng ano mang pagkukulang o pagkakamaling sukat niyang ikagalit. Noo’y ibang-iba ang pagsasalita ni Tatang.

Tapos ka na ng haiskul, anak. Palagay ko’y me sapat ka nang lakas at puhunan upang ikaw na’ng magpatuloy sa ‘ming nasimulan na. Sikapin mong makakita ng trabaho sa Maynila…

Tumango lamang ako. Nakatitig ako sa mukha ni Tatang.

–Pero higit sa lahat, sikapin mong makapag-aral at makatapos. Wala kaming maipamamana sa’yo, –at nabasag ang datig patag at matigas na tinig ni Tatang.

Wala kaming maaangking sariling lupa kundi ang putik na dumikit sa sinelas.

…Ikaw man lang e maiba sa ‘yong mga kapatid.

Sa pagkakatitig ko noon kay Tatang nakita ang maraming taong pinagdaanan ng aking ama; marami nang salit na puti ang kanyang buhok, malalim ang gitla sa kanyang noo, at bahagya na siyang hukot.

Saka ko biglang nagunita ang taong nakaraan - kung papaano kami napalaki ni Tatang sa tulong ni Inang. Isang magsasaka si Tatang. Kung walang trabaho sa bukid ay lumuluwas siya ng Maynila at nakararating sa mga kanugnog bayan sa pag-aanluwagi. Nagtrabaho rin si Tatang sa patubig na itinayo sa aming lalawigan. Si Inang nama’y tumatanggap ng tahiin. Naging katulong siya ni Tatang sa lahat ng hirap sa pagpapalaki sa amin.

Kinasihan naman ako ng kapalaran sa Maynila. NAkakita ako ng trabaho at nakapag-aral sa gabi. Isinulat ko agad iyon sa aking ama at ina. Alam kong labis nilang ikagagalak ang balitang iyon. Sa aming nayon ay ako man ang isang anak e para matutong bumasa at sumulat lamang. Pagkatapos e kinakatulong na sa bukid, o sa pagtitinda at paglala ng sumbrero.

Nasaktan ang aking damdamin sa ipinagtapat na iyon ni Inang. At sa isipan ko’y nagtumining ang pasiyang magsikap sa pag-aaral at ipakilalang mayroon akong mararating.

Dumalang ang pagkikita namin ni Tatang at ni Inang. Nagsikap ako sa pag-aaral, ginawa kong araw ang gabi, hanggang makatapos ako ng karunungan sa pamamahayag at mapaugnay sa isang malaganap na lingguhan.

Nasa pasulatan ako isang araw nang tumanggap ako ng pabalita mula sa amin: malubha raw si Tatang.

Isang kamag-anak namin ang lumuwas at nagbalita: –Ipinagbilin ka ng Inang mo. Lagi kang hinahanap ng iyong ama!

Nabigla ako sa balitang iyon. Nagpaalam ako sa aming patnugot at ako’y karakang umuwi.

Dinatnan kong nakaratay si Tatang. Yayat na yayat siya. Dinapuan pala ng karamdaman si Tatang, ngunit hindi pa ganap na magaling ay nanaog at nagbunot ng damo sa aming bakuran. Nabinat si Tatang. Ayon sa manggagamot na tumingin ay ibigay raw kay Tatang ang anumang maibigan nya.

Nakapagsasalita pa nang malinaw si Tatang at malinaw pa rin ang kanyang paningin. Nakilala niya agad ako nang lumapit. Ang kauna-unahang nakapag-aral sa isang tanyag na unibersidad sa Maynila pagkaraan ng liberasyion.

Pagkaraan ng isang buwan ay umuwi ako sa amin. Tuwang-tuwa si Inang. Tatayo-uupo naman si Tatang at tingin nang tingin sa akin. Naroroon ang aking ibang mga kapatid na pawang may asawa na.

Nang gabing iyon, bago matulog ay kaharap ko si Tatang at si Inang ang salita ng salita. Pasingit-singit lamang si Tatang.

Tingnan mo, anak, maraming nakapupuri sa Tatang mo–ani ni Inang–katulad din daw natin silang `sang kahig`sang tuka e nakapagpapaaral pa kami ng anak sa Maynila.

–Hindi naman lahat, –lahok ni Tatang.

Napatingin ako kay Tatang at pagkaraa’y kay Inang.

–Oo nga, anak–amin ni Inang–Kung me nakapupuri man sa `min ng `yong ama e meron din namang kumukutya.

–Ano hong kumukutya?–Napakunot-noo ako.

–Napakalakas daw ng loob namin. Kinakaya raw namin ang hindi kaya.

Napakagat labi ako. Sa aming nayon at talagang gayon–kung may natutuwa man sa iyo’y hindi naman nawawalan ng nangingimbulo o naiinggit.

–Pero wag mo silang intindihin anak–patuloy ni Inang.–Alam mo naman dito sa `tin kung pinapag-aral.

–Anuman ang ipagkaloob ng Diyos, anak–simula ni Tatang, e hindi na `tong nag-aalala..Me maiiwan na `kong pamana sa`yo. Wala akong tanging maipagbibilin sa `yo kundi..papag-aralin mo ang `yong kapatid na bunso..at..pumili ka na ng mapapangasawang..kung buhay man ako’y maipagmamalaki ko..

Ibig kong magsalita ngunit tuyong-tuyo ang aking lalamunan. Yaon ang kahulihulihang pangaral sa akin ni Tatang. Ibig kong maiyak. Subalit nagunita kong ayaw ni Tatang ng umiiyak. Tumalikod na lamang ako upang ikubli ko sa kanya ang luhang nangingilid sa aking mga mata.

Nang ganap kong maunawaan ang kahulugan ng lahat ng paghihigpit ni Tatang, ng kanyang mga pangaral, ng kanyang pagsisikap na makapag-aral ako ay noong umaga ng ikawalo ng Mayo. Apat na taon na ngayon ang nakakaraan.

Noon yumao si Tatang.

Napaiyak ako at nalaglag ang aking luha. Ngunit ang pag-iyak ko’y isang pagkaunawa sa tanging pamanang sinasabi ni Tatang. Ang tahimik kong pagluha, habang ipinapasok sa nitso ang bangkay ni Tatang ay isang pagkaunawa sa lahat ng paghihigpit ni Tatang na natutuhan kong paghimagsikan. Sa paghihigpit na yao’y naihanda ako ni Tatang sa pagharap sa buhay.

Yaon ang tanging pamanang naiwan ni Tatang sa akin…

Related Posts by Categories



1 comments:

Anonymous said...

asan ung mga tauhan nito ?

Post a Comment